KUWENTO

prologue

umaga. alas-singko y media na, ayon sa aking relo. medyo madilim pa ang langit, hindi pa inaagaw ng araw ang mga bakas ng gabing nakaraan. matagal-tagal na rin pala akong nakahiga dito. hindi ko namalayan na lumipas ang oras, o nagbago na ang kulay ng paligid ko, mula sa nakakabubulag na kadiliman ng gabi patungo sa malamyang pagka-asul at paunti-unting pagkulay kahel ng langit sa pagbubukang liwayway.

medyo basa na rin ang aking hinigaang upuan at damit panlamig.

ang hamog ang luha ng gabi sa pagsuko niya sa umaga.

inilabas ko ang kwaderno at isang pudpod na lapis. isinara ko ang aking mga mata. muli kong minulat ng aking ma-ala ang sinabi ng isang kaibigang nakakapagsabi ng kahulugan ng mga panaginip.

“isulat mo agad, bago tuluyang maglaho ang isang panaginip mula sa iyong ala-ala.”

hindi ko masyado makita ang aking inilalagda sa papel. nagkaroon ng sariling buhay ang aking mga kamay mula sa aking isipan. magkahalong puso at isipan ang siyang nagkaisa upang mailathala ko ang mga pangyayaring sinasabi ng aking kamalayan na nangyari pero alam ng aking isip na hindi.

ang aking unang panaginip mula ng tayo ay huling magkita.

I.

ang mga pangyayari mula alas-siyete hanggang alas-otso y media ng gabing lumipas:

hinawakan ko ang buhangin sa palaruan. masuwerte ako at walang dumi ng aso o pusa na nadakot ang aking mga daliri. malamang walang mga ‘mina’ na nakatanim dito. kahit hindi na matalas ang aking pang-amoy, wala akong maamoy na baho. siguro dahil sariwa pa ang alimuong na pinakawalan ng lupa, ang produkto ng pagdampi ng malamig na ulan sa lupang buong araw na naligo sa init ng araw.

habang unti-unting kumakawala ang mga butil ng buhangin mula sa aking kamay, nakaramdam ako ng kaba. bigla kong na-alala kung bakit ako narito ngayon. dito nagsimula ang lahat. dito kita nakilala. sabi nila, maraming mga bagay ang binubura ng ating mga isipan mula sa ating kamusmusan, habang tumatagal ang nilalagi natin sa mundo. sabi rin nila, may mga bagay na itinatago sa mga sulok ng ating kamalayan at ating dadalhin hanggang sa oras sa pagbabalik natin sa ating pinagmulan.

naubos na ang buhangin sa aking palad. maliit na muli ang aking mga kamay, makinis ang balat, at isang ulo ng manyikang maliit lang ang naroon.

“bakit mo sinira si babie?”

ah. ang tinig mo. nakaluhod ka sa tabi ko, naghalo ang luha at sipon sa may labi mo.

“akin yan! bakit mo sya sinira!?”, wika mo pa, sabay hikbi.

hindi ako makapagsalita nun. marunong ako makaintindi ng wika at magsalita, ngunit ng makita mo ang mga mata mo at iyong mala-bunot na buhok, nakalimutan ko lahat ng itinuro sa akin. kinuha ko ang katawan ng manyika na naka-ipit sa pagitan ng katawan mo at braso at ipinatong ko ang ulo ng manyika.

“baliktad!”

ay. oo nga.

“ayan! ay, pero madumi sya.”

ngumiti ka. isang imahen na nagukit ng lugar sa aking ala-ala para sa iyo. maari kong malimutan kung ano ang mga una kong nakitang hayop sa zoo, ang una kong natikmang pagkain sa McDo o ang unang kaarawan ko na napatay ko ang lahat ng kandila sa isang paghipan.

ang una mong ngiti at pagtingin sa aking mga mata.

“Nat…”

hindi ako lumingon. alam kong nariyan ka na sa tabi ko, taglay ang titig na hindi ninakaw ng panahon sa iyo mula pa ng ating kamusmusan.

“andiyan ka na pala.”

“hindi mo na mahahanap diyan ang ulo ni babie.”

“marami pang mga ibang bagay ang nakatatak sa buhanginan na ito…”

lumuhod ka sa tabi ko, sa buhanginan. hinawakan mo rin ang buhangin kung saan maraming araw itong nagsilbing mundo ng dalawang batang nakahanap ng ligaya sa paglalaro sa lupa at hindi ng mga magagarang laruan o sa mga matatamis na tsokolate at makukulay na lobo.

humiga ako malapit kamay mo, dinikit ko ang aking noo sa dulo ng iyong palad.

sa loob ng isang oras at kalahati, tinitigan ko ang iyong mga mata, ang mga dahon at tangkay ng punong mangga na malapit sa atin na binalot sa kadiliman, at mga bituin sa langit na tila kakaunti at walang lakas upang magningning.

tinignan mo lang ako at ang buhangin, at paminsa-minsa’y nagbubuhos ng isang maliit na dangkal ng buhangin malapit sa aking tainga.

“ang sasabihin ko ay hindi mahalaga. pakinggan mo na lang ang awit ng mga butil ng buhangin. sila ang saksi ng ating buhay – mula kamusmusan, hanggang sa katapusan.”

2 thoughts on “KUWENTO

  1. Psychoanalysts would prolly enjoy interpreting your dream…Hmmm…sige sige will try this one.Galing naman the tagalog. Kumbaga, ang iyong nilathala ay ‘sing lalim ng balon, ‘sing sarap pakinggan tulad ng isang kundiman… cut the crap trin. hehehe.

  2. dacal a salamat teachoy! hehehe di ko panaginip yan,it’s my attempt in writing a short story. i posted the prologue and the first part of the story last night, will try to post the second part of the story within the next few nights. all i know is that it’ll be a three part story 🙂naks i like your compliment, its funny and ego-boosting at the same time hehehe :p

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s